Thursday, July 5, 2007

Salamin




Sa pagmulat ng aking mata sa umaga, tanging ang mga mata ko ang bukas para makita ang liwanag sa aking paligid...



Ang isipan ko ay unti-unting nanunumbalik mula sa mahabang pamamahinga pero tila pagod sa mga iba’t ibang panaginip sa loob ng magdamag..

Sa pag salubong ng liwanag at aking kamalayan, ay tila may nabubuong paghahanda sa panibagong hamon ng buhay sa bagong araw.

Ang kamalayan ko ang siyang nag udyok at nagbigay lakas sa aking katawan upang bumangon para harapin ang umaga..

Isang umaga na walang katiyakan kung ito ba’y magiging tagumpay o katulad ng dati na sa bawat minuto ay walang patid na lungkot at kabiguan....

Pero life must go on, ika nga.

Kahit nakapanghihina ang mga kabiguan, kailangan kong maging malakas sa hamon ng buhay…

Lakas na nanggagaling sa mga kabiguang iyon…

Lakas na binibigay ng Maykapal na siyang tanging may alam sa lahat na mangyayari…

Lakas na naiipon dahil sa aking mga pangarap at sa mga mahal ko sa buhay…

Sa paghahanda ko sa bagong umaga, ang salamin ang siyang nagbibigay hudyat sa lahat ng mga maari kong gawin para maging matatag at maging handa sa anumang mangyayari.

Pilit niya akong inihahanda sa aking pakikisalamuha sa bawat taong aking makakasalubong at makakausap.. Hindi man siya makapagsalita, pero sinasabi niya kung handa na ako.

Siya ang nagtututuro sa akin sa mga dapat kung gawin upang maging matagumpay ang araw ko at maging hitik sa pasasalamat sa bandang huli…

Siya ang nagpapaalaala sa akin sa “Golden Rule” na dapat kung isipin sa lahat ng oras…

Sa pagharap ko sa salamin, ang aking repleksyon ang aking nakikita….isang bagay na pumupukaw sa aking sarili sa mga bagay na dapat suriin muna bago gawin o sabihin…

Ang dumi sa aking mga mata… ang ayos ng aking mukha… ang galaw ng bawat parte ng aking katawan…Kailangang sigurado ako sa lahat ng bagay…para sa bawat kilos at sa tuwing may kausap ako dapat ay walang salamin na nakaharap sa akin…. Na sa tuwing manghuhusga ako ng aking kapwa, malinis ang aking sarili para maging katatanggap-tanggap ang aking mga sinasabi.

At sa huli, bago ko ipikit ang aking mga mata at ipahinga ang aking isipan, ang salamin ang siyang maghuhusga sa mga nagawa ko sa araw na ito…

Siya ang magsasabing kailangan kong matulog na may ngiti’t kapayapaan sa isipan dahil nagawa ko ang aking misyon….sa aking sarili…sa iba.. at sa Kanya.

No comments: