Sunday, July 1, 2007

Bakit apektado ang mga Pilipino sa ipinakitang ugali ni Wendy sa loob ng Bahay?




Noong pumasok si Wendy sa bahay ni Kuya, nakita ko kaagad kung anong ugali meron siya. Hindi na ako nagtaka dahil nga sa lumaki siyang mahirap at iba ang kinalakhang environment.

Sa maikling panahong pamamalagi niya sa bahay, hindi naipakita ni Wendy kung bakit isa siya sa pinili ni Kuya sa bahay. Lumabas siya kaagad….

Alalahanin natin na bawat isa sa kanila ay salamin ng ating buhay.

Ibinalik sa bahay si Wendy dahil alam ni Kuya na maging eye-opener ito sa iba at ipakita sa bawat isa sa atin na maraming Wendy sa labas ng bahay. Maraming gaya ni Wendy o mas malala pa.

Kung anong ugali meron ang bawat isa sa kanila, kadalasan ganoon din tayo sa totoong buhay dahil iba’t ibang kultura at pag-uugali ang ipinapakita sa atin sa reality show na ito.

Iyan ang layunin ng PBB… ang tanggapin natin ang bawat eksenang ating napapanood dahil iyon ang totoong nagyayari sa ating araw-araw na pamumuhay.

Mahirap itago ang totoong ugali sa bawat segundo ng ating buhay, kaya sa loob ng 126 araw, nakita natin ang tunay na ugali ng bawat isa. Mahirap maging hipokrito sa loob ng bahay dahil bawat sulok ay may mga kamerang nag-dodokumento sa bawat galaw.

Madalas tayong mag husga sa ating nakikita, pero hindi natin alam na sa paghuhusga natin, kabilang tayo sa mga hinuhusgahan natin.

Pinakita ni Wendy ang totoo niyang pagkatao.. walang masama doon.

Nagalit tayo sa kanya… Kinamuhian natin ang ugali niya. Minsan, pinagtawanan natin ang kanyang ginawa.

Sa mga sumunod na araw, unti-unti, naging masama si Wendy sa atin dahil sa pinakita niyang ugali na ikinabigla natin.

Nagmumura...palengkera....mahilig mag palipad hangin.... makasarili.... mapanghusga... mapagbintang.... mapag-maniobra sa ibang tao... hindi marunong tumanggap ng tama…at kung ano pa.

Dito naging matagumpay si Kuya sa adhikain niyang maipakita sa atin ang masamang ugali mayroon ang ibang Pilipino.. ang kabilang mukha na hindi natin nakikita o di kaya ay nagbubulag-bulagan...

Kinamuhian natin si Wendy.. Minumura natin siya… Pero may karapatan ba tayong husgahan siya?

Sa pagkagalit natin sa kanya, minsan ba inisip natin o binigyan ba natin ng pagkakataon na suriin ang ating mga sarili?

Bago tayo humusga, naitanong ba natin na ako ba’y katulad ni Wendy? Ang nakikita ba ng mga mata ko sa telebisyon habang pinapanood ko si Wendy ay sarili ko ang aking nakikita? Ako ba si Wendy? Ang ugali ko bang ito ay nakikita ng ibang tao at hindi ko nakikita? Ang panghuhusga ba na ginagawa ko kay Wendy ang ginagawa ng ibang tao sa akin na hindi ko nalalaman?

Madalas, hindi natin alam na si Wendy ay nasa ating sarili… na may mga ugali tayong kahalintulad sa ugali ni Wendy, pero binabalewala natin ito..

Ang nangyari kay Wendy at ang iba pang kaganapan sa loob ng bahay, kahit may nagsasabing hindi maganda at ayaw na nila sa nasabing palabas, ay naging matagumpay para kay Kuya na imulat tayo sa katotohanan at suriin ang ating sarili…. na ito ang katotohanan na kailangan nating tanggapin.. na kailangan ng pagbabago sa ating sarili.

Tunay na makabuluhan sa akin ang PBB dahil sa ibinigay sa aking pagkakataon upang malaman na si Wendy ay minsan ay nasa aking katauhan.. na ang nakikita ko sa PBB ay hindi si Wendy kundi ang sarili ko. Kailangan kong magbago para mawala ang Wendy sa sarili ko… Na kailangan mangibabaw ang Beatriz at Mickey sa aking katauhan upang ganap na maging kapakipakinabang ako sa ating lipunan.

Salamat Wendy....Nawa’y marami pa ang mamulat sa katotohanan.....

No comments: