Thursday, August 16, 2007

Paano kung Hindi Tayo Magkaintindihan?

Bilang paggunita sa "Linggo ng Wika", isang pagpapahayag ng kahalagahan ng sariling Wika..




Ano kaya ang mangyayari kung ang salita mo ay may ibang kahulugan sa iba? O di kaya ang bawat bigkas ng kausap mo ay tila bago sa iyong pandinig at hindi mo maiintindihan?

Noong bata pa ako, hilig kong manood ng mga science fictions, lalong lalo na tungkol sa mga aliens. Sa edad na tatlo, sa halip na matakot ako, ay mas naaaliw ko silang pinapanood. Pinagmamasdan ko ang kanilang mga kilos sa tuwing may eksenang kinakausap nila ng mga taga-lupa. Ang pag galaw ng kanilang mga antenna sa ulo…ang ilaw na umiikot sa kanilang katawan habang nagsasalita.

Bbzzzz….bzzz..piittt…ditt..ditt… ito ang mga tunog na madalas kong naririnig. Sa katunayan, ilang ulit kong pinanood ang ET sa Betamax noong dekada 80, at kahit ni minsan ay walang salitang lumalabas kay ET, kaya nahihirapan ang bidang si Elliott na makipag-usap.

Katabi ko lagi ang ate ko na naiinis sa akin dahil palagi kong tinatanong ang mga nakasulat sa ibabang bahagi ng aming telebisyon habang nagsasalita ang mga taga ibang planeta.

Minsan may nagawi sa amin na isang pamilyang Amerikano na kabilang sa Seventh-day Adventist. Mga Sabatistang misyonaryo ang tawag sa kanila. Dahil Kapitan ng Barangay ang aking ama, madalas iniiwan sa amin ang kanilang anak pag sila ay nasa misyon. Dahil sa pareho kaming bata, natuto akong makipaglaro kahit magkaiba ang aming gusto. Nag-uusap lang kami sa pamamagitan ng mga galaw ng kamay. Kadalasan, hindi namin maintindihan kung ano ang sinasabi ng isa.

Sa edad na apat, pinilit ko ang aking ina na payagan akong pumasok sa malapit na day-care center sa amin para matutong bumasa at magsulat…para huwag nang gambalain pa ang aking kapatid habang nanonood ng palabas sa telebisyon at para maunawaan ko na rin ang sinasabi ng kalaro kong batang Amerikano.

Unti-unting namulat ng aking isipan sa mga bagay na nagbibigay sagot sa mga tanong na madalas sanhi ng di pagkakaunawaan. Ang Abakada ang naging susi sa aking kamalayan upang buksan ang aking isipan. Ang wastong pagbigkas naman nito ang naging gabay ko para mas lubos akong maintindihan ng iba.

At sa bawat pagbigkas ko ng ating wikang Pilipino, mas lubos kong naihahayag ang aking nais sabihin sa iba. Malaya kong naibabahagi ang laman ng aking isipan at natutunan ko ang mga bagay na dati ay hindi ko maintindihan.

Ngunit hindi pala sapat ang iyong pandinig para umunawa.. Kailangan din palang malaman mo ang kahulugan ng mga salitang iyong naririnig.

May pagkakataon na ang pagbigkas pala ng salita ay magpapatunay na iisa ang ating lahi at pareho ang ating kulturang kinagisnan.

Datapwa’t maraming diyalekto ang ating bansa, tayo ay nagkakaroon ng unawaan dahil sa iisang wika- ang wikang Pilipino. Tila ito’y mga sanga-sangang hibla ng ugat ng isang puno na nanggagaling sa isang pangunahing daluyang nagbibigay buhay para ito’y mabuhay.

Kailangan ang isang wika na siyang magsisilbing tulay para ganap na magkaintindihan sa kilos, pag-uusap at pag-iisip ang bawat isa..

Ang ating wika ay naging bahagi ng ating kasaysayan na siyang bumuklod sa pagkakaisa ng ating mga bayani at intrumento ito para sa pagkakaisa noon, ngayon at bukas.

Nawa’y ito ang maging dahilan muli ng pagkakaisa ng bawat Pilipino saan mang dako ng mundo.

No comments: